Nakakalungkot na sa kabila ng napakabigat na laban ng mga kabataan at ng mga iskolar ng bayan sa PUP ay mas nagiging laman pa ng mga discussions, blog articles, online forums at ilang mga pahayag sa media ang di-umanoy “DI-AKMA at NAPAKABAYOLENTENG” aksyon ng mga estudyante hinggil sa nakaambang tuition fee increase sa PUP. Nakakarindi na maging sa internet ay mas nagiging laman na ng usapan ang nagliliparang bangko, mesa at ang arawang pagsusunog ng mga estudyante sa PUP kesa sa tunay na isyu. Nakakahiya na sa kabila ng papaigting na protesta ng mga kabataan laban sa TFI ay walang sagot ang pamahalaan kundi ang tigilan na ang karahasan.
KAMI PA BA ANG NAGIGING MARAHAS? KAMI PA BA ANG NAGIGING BAYOLENTE? KAMI PA BA ANG MAY MGA DI-AKMANG AKSYON? Hindi ba’t mas marahas na sa isang bansang tulad natin ay ipinagkakait sa iyo ang karapatan mo para sa mura at kalidad na edukasyon? Hindi ba’t mas bayolente na patayin mo ang pag-asa ng bawat kabataan para makapagtapos at magkaroon ng magandang kinabukasan dahil sa pag-aabondona ng gobyerno sa sektor ng edukasyon? At hindi ba’t mas DI-AKMA na ipinapapasan mo sa mga estudyante ang bayaring dapat ay responsibilidad ng gobyerno sa pamamagitan ng garapalang pagtataas ng matrikula? Hindi ba’t mas marahas, mas bayolente at mas di-akma na imbes na dinggin mo ang hinaing ng mga kabataang ito ay patuloy ka sa pagbibingi-bihngihan at pagpapatuta sa isang gobyernong kailanman ay hindi nagbigay pagpapahalaga sa mga kabataan!
Nais ko lang bigyan diin na mas malaking usapin HIGIT SAAN PA MAN ang isyu ng halos 2000% Tuition Fee Increase! Ito ang tunay na isyu. Ito ang usapin. Ito ang mahalaga. Huwag tayong magpalunod sa argumento ng iilang makasarili at may kakitiran ang pag-iisip. Dahil sila ang walang alam. At sila ang walang pakialam sa tunay na kalagayan ng bawat iskolar ng bayan!
Ngunit para sa nais ng kasagutan kung ano nga ba ang kahalagahan ng mga ginagawang protesta ng mga estudyante ng PUP, ito ang ilang punto na dapat nyong ikonsidera:
Ang paghahagis ng upuan, mesa at pagsusunog ng mga bulok na kagamitan ng PUP ay isang simbolikong protesta upang irehistro ang matinding galit ng mga estudyante hinggil sa nakaambang pagtataas ng matrikula. Hindi ito isang barbarikong aksyon tulad ng paratang ng iba. Ito ay paninindigan upang protektahan ang batayang karapatan ng libo libong iskolar ng bayan at ng bawat kabataan!
Ang galit ng mga estudyante ng PUP ay hindi lamang bunga ng nakaambang tuition fee increase. Ito ay bunga na rin ng kawalan ng tiwala at matinding disgusto ng mga estudyante sa administrasyon ng PUP dahil na rin sa ilang ulit na panggigipit sa mga ito.
Sa ilang taon nang panunugkulan ni Dr. Dante Guevarra bilang president ay napakarami ng polisiya ang kanyang ipinasa na sumisikil sa mga batayang karapatan ng mga estudyante. Nandyan ang tangkang 650% tuition fee increase o P12 to P75/unit increase noong 2007. Nandyan ang P300 to P500 increase sa PUPCET fee. Nandyan ang mga iligal at mapanikil na bayarin na patuloy na binabayaran ng mga estudyante ng PUP tulad ng SIS Fee, energy fee, processing fee, scannable and dev't fee atbp. Nandyan din ang pakikipagsabwatan ng administrasyon ni Guevarra sa mga ahente ng military upang tiktikan ang mga lider estudyante. Nandyan din ang panggigipit sa bahagi ng publikasyon at konseho ng mag-aaral dahil na rin sa pagiging kritiko nito sa administrasyon ng PUP.
Sa mga ilang nabanggit na pambabalahura sa mga iskolar ng bayan, hindi pa ba ito sapat upang magsiklab ang galit nila? Hindi pa ba ito sapat upang sabihing walang mali sa ginagawa ng mga estudaynte at ang mali ay ang tahasang pagbabalewala sa demokratikong karapatan ng mga kabataan para sa edukasyon? At hindi pa ba ito sapat upang makiisa ka sa laban nila imbes na maging kritiko ng akto nila? Ang tunay na isyu ay ang nakaambang tuition fee increase at ang tunay na salarin na dapat usigin ay ang gobyerno at hindi sila. Hindi ang mga estudyanteng lumalaban para sa karapatan maging ng iba. Marahil ay nakikisimpatya ka din naman sa kanilang laban ngunit nagpapatali ka pa rin sa ideya na mali ang ginagawa nila kaya nandyan ka pa rin at walang pakialam. Isipin mo, mas ayos nang masira ang mga silya, mesa at iba pang kagamitan kesa ang kinabukasan mo at ng bawat kabataan ang sirain nila.
At para sa nagsasabing kayang iresolba ito sa tahimik na paraan tulad ng pakikipag-diyalogo. Hindi namin kahit kailan itataya o isusugal ang kinabukasan ng mga kabataan sa isang diyalogo kasama ang mga taong wala namang kredibilidad sa pagtupad ng kanilang mga binibitawang salita. Isa pa, sa mga nakaraang diyalogo ay lalo lamang nilang pinatutunayan ang pagiging anti-estudyante nila. Sabi ng administrasyon noong March 22 sa isang diyalogo: “Kaya nga natin maagang pinaabot sa mga estudyante na magtataas tayo ng tuition fee nang sa ganon ay kung hindi nila kayang pumasok sa PUP, ay wag na silang pumasok. Kailangan lang naman natin silang i-mind set”.
Dagdag pa nito ay nagbitiw din ng salita si Dr. Guevarra na kung hindi daw kaya ng mga estudyante ang pagtataas ay wag na daw tayong mag-aral. Ito ba ang diyalogong aasahan mo sa ganitong kalaking usapin? At dito mo ba isusugal ang kinabukasan ng libo libong kabataan?
Lilinawin ko din na ang isyu ay hindi KUNG KAILANGAN BA NG TUITION FEE INCREASE dahil ang susing usapin ay KUNG NARARAPAT BA ITO! Nararapat ba ito sa isang pamantasang dapat ay binibigyan ng pondo ng pamahalaan. Dahil ang mas nararapat ay ang manawagan upang bigyan tayo ng mas mataas na badyet upang masustina ang pangangailangan ng mga iskolar ng bayan at hindi sa pamamagitan ng pagpapapasan sa estudyante ng mga kaukulang bayarin.
At sa ngayon, nagpahayag na ang Malakanyang na itigil na ang marahas na pagkilos lalo't dinidinig pa ang panukala.
Ngayon, ibalik natin sa kanila ang pakiusap nila na kung maari ay tigilan na nila ang pagpapahirap at panggigipit sa mga kabataan at sa mga iskolar ng bayan!At ibigay na dito ang kanilang demokratikong karapatan para sa edukasyon!
Ang mga protestang isinasagawa ng mga kabataan ay hindi isang pakiusap o papakikipag-kompromiso sa gobyerno, ITO AY PANININGIL SA RESPONSBILIDAD NG PAMAHALAAN upang bigyan tayo ng kalidad na edukasyon. At ito ay magpapatuloy hanggang ang ating gobyerno ay patuloy sa pag-abandona sa sector ng edukasyon!
IBASURA ANG HEMA OF 1995!
TUTULAN ANG LTHEDP!
ITAAS ANG BUDGET SA EDUKASYON!
EDUKASYON PARA SA LAHAT!!!