Tulad ni GMA, hindi rin ako tumangkad. Sa loob ng dagdag na apat na taon ay hindi rin ako tumaba. Ako pa rin yung bulinggit na nakipagbrasuhan para lamang makapag-enrol sa PUP. Mahirap mang tanggapin pero gumradweyt ako ng ‘di man lang lumalagpas sa 5’1” ang aking taas at 36 kilos ang aking timbang. Pero ganon pa man ay hindi pa rin matutumbasan ang saya na aking nararamdaman dahil sa loob ng apat na taon ay napuno naman ng humigit kumulang 5 feet at 36 kilos ang aking kaalaman. Marami akong natutunan...
Kakagising ko lang mula sa isang simpleng salo salo kagabi. Pansit, inumin, ulam at kanin. Masaya dahil kasama ko ang mga taong bumubuo ng buhay ko. At kahit di ganon kaplanado ay nabuo at nag-enjoy kami. Sayang at wala din yung iba. Medyo nakarecover na rin ako mula sa graduation fever. whoooh. Mula sa stress na naramdaman ko para lang tapusin lahat ng requirement para maka-gradweyt, sa pagbabandera ng banner habang nag-martsa hanggang sa nakakahilong byahe pauwi. Napakasaya ko at natapos ko na ang isa sa mga pinakamakahabang bagay na dapat gawin ng tao. Ang mag-aral sa paaralan. Mabuti at tapos na lahat ng academic stress. Ayoko na. Marahil ay sawa na ako sa mga ganon. Ayoko ng ma-pressure sa paggawa ng project na itatapon lang naman ng nagpagawa. Ayoko ng matakot sa mga masusungit na titser. Ayoko ng mapahiya kapag hindi ko alam ang isasagot ko sa recitation. Ayoko ng magbunot at mag-foot sock. Ayoko ng mag-uniform. Ayoko ng mangopya at mandaya. Ayoko ng magutom dahil wala na akong pamasahe kapag kumain pa ako. Ayoko ng ma-boring sa mga prof na walang ibang ginawa kundi magkwento ng buhay at accomplishement nila. Ayoko ng makipagpatalinuhan sa mga classmate ko. Tama na. Gusto ko nalang ay maging malaya sa lahat ng gusto kong gawin.
Ngunit ganon pa man, tuloy tuloy lang ang pag-aaral at paggamit ng aking mga natutunan para sa interes ng sambayanan!!! Dahil naniniwala ako na wala pa ring hihigit sa paglilingkod sa bayan. At wala ng mas hihigit pa sa kagustuhan nating ialay ang ating karunungan para sa mga masa. Ito ang hamon sa bawat graduate – ang gamitin ang karanugan para bayan at maging bahagi ng pagbabagong panlipunan!
At sa pagkakataong ito ay nais kong magpasalamat sa lahat ng naging bahagi ng aking tagumpay. Sa aking pamilya at mga magulang na patuloy na umaagapay sa akin maraming salamat. Salamat sa di matatawarang suporta na ibinibigay ninyo sa akin. Salamat sa pagmamahal na ibinibigay ninyo sa akin mapasahanggang ngayon. At higit sa lahat ay maraming salamat sa pagsuporta ninyo para sa aking mga ginagawa. Salamat dahil alam kong kasama ko kayo. Kay Mama at Papa, muli maraming maraming salamat.
Nais ko ding magpasalamat sa aking mga kaibigan. Sa lahat ng luha, saya at karanasan maraming maraming salamat. Salamat sa lahat ng karanasan at karunungang natutunan ko dahil sa inyo. Salamat sa pagkakaibigang binuo natin para matuto sa isa’t isa. Iba’t iba man tayo ng pagkatao ay naging isa tayo. Sa mga naging kaklase ko, salamat.
Sa aking mga naging guro mula elementary, sa hayskul at sa kolehiyo maraming maraming salamat. Kayo na may malaking ambag sa aking pagkatuto. Mula sa pagtuturo sa akin ng pagsulat at pagbasa hanggang sa ganap kong pagkatuto. Kayo na hindi nagsawang ialay ang buhay upang hubugin ang isipan ng mga bagong pag-asa ng bayan. Pinagpupugayan ko ang inyong dedikasyon sa pagtuturo! Sa mga guro ko noong elementary na nakikita ko pa rin hanggang ngayon, sa mga titser ko noong hayskul at sa mga prof ko (kasama na ang mga nakaailitan ko) ngayong kolehiyo, mabuhay po kayo!
At higit sa lahat ay nais kong magpasalamat sa mga taong naging bahagi ng aking lubos na pag-unlad bilang tao. Sa aking mga kasama at mga kolektib. Kay Ron, Dayan at Ysay salamat. Sila ang mga pinakaunang tao na nagdala sa akin sa daang tinatahak ko ngayon bilang isang mabuting anak ng bayan. Kay Ate A.k, kuya Obet at Kuya Panggoy na mga naging inspirasyon namin noong kami ay nagsisimula, salamat. Sa lahat ng aming mga naging kasama sa mga gawain. Sa mga kasama na naging bahagi ng aking pag-unlad. Sa mga masa na nagturo sa akin ng napakaraming bagay. Sa mga kaibigan natin sa kanayunan. Sa mga nagparanas sa akin ng sakripsyo. Sa mga nagsama sa akin sa makabuluhang laban at digmaan. Sa mga nagbigay sa’kin ng karunungan upang maintindihan ang lipunan. Sa mga kasama na naging lakas ko sa panahong ako ay nanghihina. Sa mga nagpakilala sa aking sarili. Sa isang kasama na nagsisilbi kong inspirasyon sa pagkilos. Kay Angge, Anne, Juriz, Ret, Tala, Sarah, Rj, Jz, Maan, Kenneth, Jocelyn, Benhur, Rix, Jordan, Karen, Liezl, Joan, Jude, Archer, Laika, Lyca, Cherry, Angelique, Kervin, Clyde at Ren Ren. Kay Don Don, Mark, Momoy, Mimet, Tikling, Dick, Ayan, Manuel, Arvin, Pepe, Badet, Mami, Tita Rose, MC, Jojo, Venus, Lina, Tutoy, Joana, Enteng, Jm, Harold, Raffy, Guto, Roman, Bong, Mimel, Volter, Karl, Arnel, maraming maraming salamat. At sa lahat ng kasama na patuloy kong pinagpupugayan!
Muli, salamat sa lahat ng naging bahagi ng aming pagsisimula at pagtatapos.
MABUHAY ANG MGA ISKOLAR NG BAYAN!
MABUHAY ANG MGA ISKOLAR NG BAYAN!
TULOY ANG LABAN NG KABATAAN!!!